Sa kabila ng inaasahang pagtaas ng demand sa tubig dahil sa matinding init na dala ng “Very Strong El Niño”, walang ipapatupad na anumang price increase sa singil ng tubig ng PAMANA Water Dagupan City.
Ayon kay Jessie Rapadas, Head ng Water Resources Division, walang paggalaw na makikita sa presyo ng taripa o ng singil ng konsumo ng tubig.
Kasalukuyang nasa ₱182 plus Value Added Tax o VAT na 12% ang singil kada cubic meter ng konsumo ng tubig.
Dagdag ni Rapadas, malabo na magtaas ng singil ang PAMANA dahil marami pa umano itong dadaanang proseso bago maipatupad.
Bukod dito, patuloy ang isinasagawang pagmomonitor sa 25 na bilang ng pumping station sa buong Dagupan na siyang patuloy na nagsusupply ng tubig.
Ikinababahala naman ni Rapadas ang maaring epekto ng Very Strong El Niño sa Unconfined aquifer o ang upper surface na pinagkukuhanan ng tubig ng ibang mga poso.
Sa kabuuan, handa ang PAMANA Water Dagupan City sa maaring epekto ng Very Strong El Niño lalo na sa supply ng tubig.
Patuloy rin ang koordinasyon nila sa lokal na pamahalaan upang masiguro at mapanatili ang kahandaan at mailatag ang mga plano para sa anumang sakuna. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








