
Pinawi ng Department of Health (DOH) ang pangamba ng publiko kaugnay sa outbreak ng Hantavirus na naitala sa isang cruise ship sa Atlantic Ocean na ikinasawi ng tatlong pasahero.
Sabi ni DOH Spokesperson Asec. Albert Domingo, bagama’t may mga Pilipinong sakay sa naturang cruise ship ay wala naman ditong kababayan natin na positibo sa sakit.
Ipinag-utos na rin aniya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagmo-monitor at pakikipag-ugnayan sa ibang ahensiyang may kinalaman sa repatriation.
Samantala, sinabi pa ni Domingo na walang kumpirmadong kaso ng Hantavirus sa Pilipinas ngayong taon at wala rin aniyang dahilan para mag-panic.
Ang Hantavirus ay isang impeksiyon na naipapasa sa tao mula sa mga daga gaya ng pagkalanghap ng hangin na may halong natuyong ihi, dumi, o laway ng infected na daga at iba pang kontaminadong bagay.
Kadalasan itong nagdudulot ng lagnat, pananakit ng ulo, katawan, pagkahilo at pagsusuka at maaaring mauwi sa malubhang sakit sa tao gaya ng hantavirus cardiopulmonary syndrome at kidney failure.
Ayon naman sa World Health Organization (WHO), mula April 1 nang maglayag ang barko ay nasa pito na ang kaso ng hantavirus na kinabibilangan ng 2 confirmed at limang suspected kasama ang 3 nasawi.
Pero batay sa kasalukuyan nilang datos, nananatiling mababa ang risk nito sa populasyon ng daigdig.










