
Umaasa si House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan na pagsapit ng Hunyo ay magpapatupad ng umento sa sahod ang 17 regional wage boards.
Ayon kay Libanan, dapat itong pangunahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa National Capital Region (NCR).
Pinaalala ni Libanan na June 24, 2025 pa huling nagpatupad ng ₱50 na dagdag sa arawang minimum wage ang NCR wage board.
Tinukoy ni Libanan na base sa umiiral na batas ay maaari lamang magpatupad ang mga wage board ng increase sa minimum wage isang beses kada taon.
Diin ni Libanan, ang mataas na presyo ng langis at mga bilihin ay sapat na batayan para magpatupad ng taas-sahod sa mga manggagawa sa buong bansa.
Giit ni Libanan, kailangang madaliin ang salary increase upang maibalik ang kakayahang bumili ng mga manggagawa na siyang magpapanatili sa paggalaw ng ekonomiya.










