Monday, May 4, 2026

SP Tito Sotto III, iginiit na dapat pa ring ituloy ng Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects

Naniniwala si Senate President Tito Sotto III na dapat maipagpatuloy ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa mga anomalya ng flood control projects.

Ito ay kahit pa magpi-privilege speech si Senate Blue Ribbon Committee (BRC) Chairman Ping Lacson mamayang hapon sa sesyon hinggil sa resulta ng mga isinagawang pagdinig sa katiwalian sa mga proyekto.

Ayon kay Sotto, kailangang maipagpatuloy pa ang imbestigasyon ng BRC dahil marami pang nangyari na dapat maungkat, hindi lang sa Luzon kundi pati sa Visayas at Mindanao.

Kasama rin sa dapat masilip ang budget ng 2025 na tinawag niyang “killer budget” at nagkaloko-loko.

Kung matatandaan, sa 2025 budget nagsingit ng bilyon-bilyong pondo para sa mga ghost flood control projects.

Samantala, tinanong naman si Sotto kung kailangan pa bang paharapin si dating Speaker Martin Romualdez sa imbestigasyon na siyang nakakaladkad sa isyu at speaker ng mga panahong mangyari ang pagsisingit sa mga pondo.

Ang naging sagot naman ng senate president ay dapat maimbitahan at maimbestigahan ang lahat ng makakapagbigay-linaw sa pangyayari.

Facebook Comments