
Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kumakalat na ulat hinggil sa umano’y planong “military-backed People Power” laban sa gobyerno.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Senator Panfilo Lacson na may natatanggap umanong impormasyon tungkol sa recruitment para sa destabilisasyon.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Randulf Tuaño, nananatiling apolitical ang hanay ng pulisya at hindi sila makikialam sa naturang isyu. Sinabi rin niya na handa ang PNP na magsagawa ng validation report kung ito ay ipag-uutos.
Una nang iginiit ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na itinuturing na haka-haka ang naturang impormasyon hangga’t wala pang kumpirmadong intelligence report na magpapatunay sa banta ng military-backed movement.
Samantala, sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad na wala silang natatanggap na bagong ulat kaugnay ng naturang usapin, at tiniyak na hindi maaapektuhan ang moral ng Sandatahang Lakas.










