
Cauayan City – Mahigit 600 manggagawa sa Sta. Ana, Cagayan ang nakatanggap ng mahigit P48 milyon bilang separation pay matapos magsara ang dalawang negosyo sa Cagayan Economic Zone Authority (CEZA).
Kabilang sa mga nawalan ng trabaho ay ang mga casino dealers, matapos ipatigil ng CEZA ang operasyon ng kanilang mga kumpanya noong Disyembre 2024.
Sa tulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2, natanggap ng mga apektadong manggagawa ang kanilang benepisyo matapos magpasa ng resolusyon ang CEZA Tripartite Industrial Peace Council (TIPC)
Ayon kay DOLE Regional Director Jesus Elpidio Atal Jr., tiniyak nilang maipaliwanag nang maayos sa mga empleyado ang kanilang separation pay, kabilang ang unemployment benefits mula sa Social Security System (SSS).
Upang matulungan ang mga nawalan ng hanapbuhay, nagsagawa ang CEZA ng isang job fair, kung saan 55 aplikante ang agad na natanggap.
Bukod dito, mahigit 100 manggagawa na rin ang na-hire ng ibang kumpanya sa loob ng economic zone.
Higit 400 empleyado naman ang isinama sa profiling para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) at DOLE Integrated Livelihood Program, upang mabigyan sila ng pansamantalang hanapbuhay at dagdag na oportunidad.