
CAUAYAN CITY, ISABELA — Natagpuan sa Barangay Macañao, Luna, Isabela ang tatlong kabataang iniulat na nawawala matapos magsagawa ng follow-up investigation ang Cauayan City Police Station katuwang ang Luna Municipal Police Station.
Matatandaang nagtungo sa himpilan ng Cauayan Component Police Station ang ina ng isa sa mga batang nawawala noong ika-pito ng Nobyembre matapos bigong makabalik ang kaniyang anak na nagpaalam na maghahanap ng gagamba kasama ang dalawa pa nitong menor de edad na kaibigan.
Matapos matanggap ang ulat, nagpakalat ang Cauayan City Police Station ng Flash Alarm sa mga kalapit na himpilan ng pulisya at mga barangay upang makatulong sa pagtukoy sa kinaroroonan ng binatilyo at ng dalawa nitong kasama.
Sa pakikipagugnayan ng Cauayan Component Police Station sa mga kalapit na himpilan ng pulisya, natukoy ang dalawa pang kabataang kasama ng unang naiulat na nawawala.
Ayon sa ulat, sa koordinasyon ng mga imbestigador ng Cauayan City Police Station, Luna Municipal Police Station at mga pamilya ng mga kabataan, natagpuan ang tatlo sa Barangay Macañao, Luna, Isabela.
Matapos matiyak ang kanilang kalagayan, agad naman silang naibalik sa kani-kanilang pamilya.
Patuloy namang hinihikayat ng kapulisan ang mga magulang na panatilihin ang maayos na komunikasyon sa kanilang mga anak at agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang insidente ng pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay.










