Hiling ng DA na i-exempt ang pagbebenta ng P20/kilo bigas, pinayagan ng Comelec pero ilang kondisyon, inilatag

Pinayagan ng Commission on Elections (Comelec) ang pagbebenta ng Department of Agriculture (DA) ng P20/kilo na bigas.

Kasunod ito ng pag-apruba ng Comelec sa request ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na ma-exempt ito sa probisyon ng Omnibus Election Code na nagbabawal sa paggastos ng public funds 45 araw bago ang halalan.

Ibig sabihin, maaari nang gamitin ang P5 bilyong pondo para sa programa na layong I-subsidize ang P20/kilo na bigas pero hindi raw dapat ito makaimpluwensiya sa darating na halalan.

Hindi anila dapat ito kasama sa distribusyon ng ibang uri ng ayuda at bawal ang kandidato sa implementasyon ng programa.

Kailangan din magsumite ng report ng DA sa Comelec at may karapatan silang mag-imbestiga kung may makitang posibleng paglabag.

Bilang dagdag kondisyon, dapat kumuha ang bawal local government units ng sariling exemption para sa subsidy rate at pamamahagi ng bigas.

Kinakailangan ding isagawa ito sa pampublikong lugar at dapat may access ang mga miyembro ng media at civil society organizations sa ganitong aktibidad.

Sa anunsiyo ng DA, unang lalarga ang pagbebenta ng murang bigas sa Visayas.

Facebook Comments