
Inaresto ng National Bureau of Investigation – International Airport Investigation Division (NBI-IAID) pagdating sa Pilipinas ang tatlo pang Pinoy illegal recruiters mula Myanmar
Kinilala ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga inarestong human traffickers na sina Sarah Jane Marquez, Jalrumax Turingan, at Noel Rodriguez.
Nahuli ang tatlo matapos makumpirma ang kanilang pagkakasangkot sa illegal recruitment at human trafficking.
Kasabay ng illegal recruiters na dumating sa bansa ang pitong repatriated Overseas Filipino Workers (OFWs) na naging biktima ng human trafficking sa Myanmar.
Batay sa salaysay ng mga biktima, sila ay ni-recruit ng mga indibidwal na nakilala sa mga alyas na “Miss Anne,” “Orange,” “Carlo,” at “Bryan” sa pamamagitan ng social media.
Inalok anila silang magtrabaho bilang customer service representatives sa Thailand, na may pangakong sahod mula $800 hanggang $1,500 kada buwan.
Pagdating sa Thailand, sila ay inilipat sa Myawaddy, Myanmar, kung saan pinilit silang magtrabaho bilang online scammer sa “scam hubs.”
Kalaunan, natuklasan nilang ang mga recruiter na nakausap nila online ay pareho ring naroroon at sangkot sa iligal na operasyon.
Kasalukuyang nakakulong ang tatlong suspek sa NBI Detention Facility matapos ang isinagawang inquest proceedings.
Patuloy naman ang imbestigasyon at mga operasyon ng mga awtoridad upang tuluyang masugpo ang mga sindikato ng human trafficking.