Wednesday, June 10, 2026

Hindi sapat na pondo para sa Brigada Eskwela, pinapa-imbestigahan sa Kamara

Pinapa-imbestigahan ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno sa House Committee on Basic Education and Culture at iba pang kaukulang komite ang kawalan ng sapat na pondo para sa Brigada Eskwela at iba pang aktibidad kaugnay sa pagbubukas ng klase.

Hirit ito ni Diokno sa gitna ng mga balitang naglalabas ng sarili nilang pera ang ibang mga pampublikong guro para sa paghahanda ng mga silid-aralan para sa simula ng pasukan.

Ang hirit na imbestigasyon ay nakasaad sa House Resolution No. 1102 na inihain ni Diokno kasama sina Representatives Perci Cendaña at Dadah Kiram Ismula ng Akbayan Party-list gayundin si Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao.

Tinukoy sa resolusyon na pangunahing pinagkagastusan ng mga guro ang pagpapa-ayos, maintenance at paglilinis ng mga classrooms at iba pang school preparation activities.

Diin ni Diokno, taliwas ito sa atas ng 1987 Constitution sa estado na maglaan ng sapat na pondo sa edukasyon kasama ang pagbibigay proteksyon sa mga guro laban sa anamang gastusin na makakaapekto sa kanilang kapakanan at pagtupad sa responsibilidad.

Facebook Comments