
Ipinahiwatig ng House prosecution panel na mayroon silang “pasabog” sa impeachment trial kay Vice President Sara Duterte sa susunod na linggo.
Ayon kay House Legal Spokesperson at Counsel for the Prosecutors Atty. Benjamin Tolosa na maglalabas sila ng matibay na ebidensya hinggil sa ikaapat na Articles of Impeachment patungkol sa pagtatangka ni VP Duterte sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr at iba pang personalidad.
Hindi naman nagbigay ng dagdag na detalye si Tolosa dahil batay sa sub judice rule ay hindi sila maaring magsalita ukol sa mga bagay na hindi pa natatalakay sa impeachment proceedings.
Sabi naman ni House Deputy Speaker Paolo Ortega V, “5-star!” ang nabanggit na pasabog ng prosekusyon.
Diin naman ni House Prosecutor at San Juan Rep. Ysabel Zamora simula pa lang ng pagpipresenta nila sa Article IV at marami pa silang nakalinyang testigo.
Bunsod nito ay hinihikayat ni Zamora ang publiko na subaybayan ang paglilitis kay VP Sara kung saan maraming mapupulot na kaalaman.










