Monday, August 24, 2026

Pagpupuslit ng misdeclared supercar ni Derek Ramcy sa bansa, iniimbestigahan ng BOC at LTO

Pananagutin ang broker, importer, consignee, at mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na pumirma sa mga dokumento sakaling mapatunayang tumulong para maipuslit sa bansa ang “misdeclared” super car, na sangkot kamakailan sa paggamit ng pekeng plaka.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, noong 2021 naipasok sa bansa ang nasabing sasakyan at idineklarang Porsche Boxster imbes na Porsche 918 Spyder.

Ibig sabihin, P1.8 million lang ang binayarang buwis para maipasok sa bansa ang supercar, imbes na P35 million, kung ikukumpara sa presyo ng sasakyan na tinatayang aabot sa P50 million hanggang P100 million noong 2021.

Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Chief and Assistant Secretary Markus Lacanilao, kailangan pa ring humarap ni Derek Ramcy, rehistradong may-ari ng sasakyan, sa preliminary investigation para patunayan na wala siyang kinalaman sa pagpupuslit ng nasabing sasakyan.

Samantala, iisyuhan naman ng Warrant of Seizure and Detention ngayong Lunes, August 24 ang supercar na ang ibig sabihin ay mapupunta ito sa gobyerno at ipapasubasta, depende sa magiging resulta ng imbestigasyon alinsunod sa due process.

Facebook Comments