
Ipinagpaliban ng Department of Education (DepEd) ang live shooter attack drill o ang Nationwide Simultaneous School Safety Drill for Active Attack Incidents na isasagawa sana bukas.
Sa advisory ng DepEd, isasagawa ang drill sa unang linggo ng buwan ng Setyembre.
Ang pagpapaliban ng naturang drill bukas ay dahil na rin sa hindi magandang lagay ng panahon kaya kanselado ang face-to-face classes sa ilang lugar sa bansa.
Una rito, nanawagan ang Philippine Psychiatric Association at Philippine Society for Child and Adolescent Psychiatry na ipagpaliban ang drill dahil sa posibleng hindi magandang epekto sa mga kabataan.
Ang pagpapaliban sa drill ay para maplantsa pa ang isasagawang aktibidad at magkaroon ng child protection at psychosocial support experts para masiguro ang kaligtasan at psychological well-being ng mga learners.
Binigyang-diin ng DepEd na dapat ay manatiling age-appropriate at trauma-informed ang drill na naka-focus sa basic protective actions, communication, coordination, accountability at recovery.
Dapat din umanong iwasan ng mga paaralan ang hyper-realistic o graphic simulations na posibleng magdulot ng takot o pagkabahala sa panig ng mga estudyante.
Muli namang nagpaalala ang DepEd sa mga paaralan na siguruhin ang availability ng psychological first aid at psychosocial support sa ilalim ng School Contingency Plans.










