Huling araw ng miting de avance, umarangkada na sa Las Piñas ngayong araw

Umarangkada na ngayong araw ang miting de avance sa Las Piñas sa Aguilar Sports Complex sa Barangay Pilar, Las Pin̈as City.

Sa ginanap na miting de avance ng mga kandidato ng green team, sumentro ang adhikain ng grupo sa patuloy na pagpaprayoridad sa kapakanan ng bawat Las Pinero na nakasunod sa iniwang legasiya ng namayapang si Mayor Vergel “Nene” Aguilar.

Kabilang sa mga programang itinataguyod na ng administrasyong Aguilar ang kalusugan, kaalaman, kaayusan, kabuhayan, at kinabukasan na patuloy na tinatamasa ng maraming residente.

Gaya ng dekalidad na edukasyon at libreng pag-aaral sa 109 na daycare centers ng lungsod gayundin sa grade school, high school at kolehiyo para sa mga Las Pinero.

Gayundin ang pagtulong lalo na sa mga residenteng namatayan na wala talagang kakayanang gumastos sa ilalim naman ng programang libreng libing, cremation, at columbarium.

Hinikayat din nito ang mga residente na bumoto para sa tama at lumaban sa mali na aniya’y laban ng pag-asa ng mga Las Pin̈ero.

Inaasahan naman ang miting de avance na ikinasa ng katunggaling partido nito mamayang hapon.

Samantala, inaasahan naman ang miting de avance mula sa iba’t ibang lugar sa Southern part ng Metro Manila tulad ng Pasay, Taguig, Muntinlupa, Parañaque dahil ngayong araw na lang din ang pinapayagan ang pangangampanya para sa local at national elections.

Facebook Comments