Mayor Abby Binay nahaharap sa criminal, civil cases dahil sa Makati Subway Project, pagsasara ng pasilidad sa EMBOs

Natuklasan na nahaharap umano si Mayor Abby Binay sa Senado sa dalawang magkahiwalay na kasong kriminal at sibil sa pumalpak na Makati Subway Project at pagkandado ng pasilidad 10 EMBO barangay na ibinigay ng Supreme Court sa Taguig City.

Sinasabing unang kakaharapin ni Binay ang kasong paghahabol ng contractor ng pumalpak na $3.5 bilyong Makati Subway Project na nagsampa ng arbitration proceedings sa Singapore International Arbitration.

Hiniling kasi ng contractor sa international arbitration na ibalik ng Makati ang nagastos nitong P44 bilyon sa Makati City Subway Project na nahinto dahil naging “unfeasible” ang proyekto sanhi ng desisyon ng Supreme Court sa jurisdiction ng 10 enlisted men’s barrios o EMBOS.

Ayon sa auditor ng kompanya, PwC, nalugi sila ng P44 bilyon sa proyekto – P39 bilyon sa pagbili ng 8, 413 ektarya ng lupain nitong 2024 na ngayon nasa hurisdiksyon ng Taguig City at P5 bilyon sa development cost tulad ng architectural design at master planning ng subway.

Kasabay nito, naghain naman ng kasong kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman sina Emilyn Borromeo Cacho at Joahanna Gallardo Junio laban kay Mayor Abby Binay sa pagsasara ng mga pasilidad sa 10 EMBO barangay kahit legal na napasakamay ito ng Taguig City.

Sa kasong inihain nina Cacho at Junio sa Ombudsman, nilabag umano ni Abby Binay ang Section 3 (e) ng Republic Act No. 3019, Section 4 ng Republic Act No. 6713, Grave Misconduct and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, at Article 231 ng Revised Penal Code.

Residente si Cacho ng Barangay South Cembo, Taguig City at si Junio naman sa Barangay East Rembo sa naturang lungsod na nagreklamo dahil hindi nila nagamit ang pasilidad.

Pagsisiwalat ni Cacho, hindi siya nakapagpagamot sa health center sa Barangay South Cembo dahil isinara ni Abby Binay kaya nabigo siyang makakuha ng maintenance medication.

Iginiit naman ni Juino na isa siyang cancer survivor na hindi umano nakagamit ng mga pasilidad ng East Cembo dahil isinara ni Abby Binay kabilang ang ilang vulnerable sector tulad ng senior citizen, buntis, persons with disabilities at sinumang may problemang pinansyal na lubhang apektado ng illegal na pagkilos ng alkalde.

Facebook Comments