Friday, May 1, 2026

HVI, TIKLO MATAPOS MAHULIHAN NG ₱340K HALAGA NG SHABU SA ALAMINOS CITY

Arestado ang isang itinuturing na high-value individual (HVI) matapos masamsam ang tinatayang ₱340,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang search warrant operation sa Alaminos City.

Pinangunahan ng Philippine National Police Drug Enforcement Group Special Operations Unit 1 (SOU1) ang operasyon, katuwang ang iba pang yunit kabilang ang Police Regional Office 1 Regional Intelligence Division, Regional Police Drug Enforcement Unit 1, Philippine Drug Enforcement Agency, at Alaminos City Police Station.

Dinakip ang 48 anyos na suspek sa loob ng kanyang tirahan sa Barangay Palamis matapos ipatupad ang search warrant. Nakalista umano ito sa watchlist ng PDEA bilang isang “Resurgent High-Value Individual” sa lalawigan.

Sa operasyon, nakumpiska ang siyam na heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 50 gramo at may tinatayang Standard Drug Price na ₱340,000. Nakarekober din ng dalawang bukas na sachet na may residue ng ilegal na droga at isang improvised glass water pipe na may bakas ng shabu.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Illegal Drugs), Article II ng Republic Act No. 9165 laban sa suspek. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments