
Arestado ang apat na indibidwal sa magkahiwalay na operasyon laban sa ilegal na sugal sa mga bayan ng Agoo at Santo Tomas, La Union.
Bandang alas-7:20 ng gabi, rumesponde ang mga tauhan ng Agoo Police Station sa ulat hinggil sa ilegal na sugal na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong katao.
Nahuli ang mga ito habang nagpapatakbo ng “drop ball” na may nakatayang pera. Sa operasyon, nakumpiska ang isang embudo, tatlong bola, at halagang ₱1,200 na pusta sa iba’t ibang denominasyon. Dinala ang mga suspek sa Agoo Police Station para sa kaukulang disposisyon sa paglabag sa Municipal Ordinance No. 386-97.
Samantala, isang 29 anyos na lalaki ang inaresto sa hiwalay na operasyon sa Sto. Tomas.
Pinagsanib na pwersa ng Sto. Tomas Municipal Police Station at La Union Provincial Intelligence Unit ang nagsagawa ng anti-illegal gambling operation kung saan nahuli ang suspek habang aktwal na nagpapatakbo ng larong “Pinoy Drop Ball.”
Nakumpiska sa lugar ang iba’t ibang kagamitan kabilang ang isang labangan o lapagan, apat na tapete, isang steel tambiolo o embudo, apat na plastic balls, at pusta. Dinala ang suspek sa Sto. Tomas Police Station para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaso kaugnay ng paglabag sa Municipal Ordinance No. 1-2019. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










