Iba pang opisyal ng OWWA, posibleng dawit din sa maanomalyang P1.4-B transaksyon ng ahensya —Malacañang

Sisilipin ng Office of the President (OP) kung may iba pang opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang sangkot sa umano’y maanomalyang P1.4 bilyong transaksyon.

Ito ang isiniwalat ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro matapos magtalaga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng bagong OWWA Administrator sa katauhan ni Migrant Workers Undersecretary Patricia Yvonne Caunan, kapalit ni Arnell Ignacio.

Ayon kay Castro, nagpapatuloy ang imbestigasyon kaugnay sa hindi otorisadong pagbili ng lupa ni Ignacio para gamitin sa pagpapatayo ng accommodation area ng Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sa ngayon, sinabi ni Castro na base sa inisyal na pagsusuri, hindi naman apektado sa pagbili ng lupa ang OWWA trust fund.

Hayaan na lamang muna aniyang gumulong ang imbestigasyon para makita ang puno’t dulo ng pangyayari.

Dagdag pa ni Castro, agad silang aaksyon kung matuklasan na may iba pang opisyal ng ahensya ang dawit dito.

Facebook Comments