Hindi na ikinagulat ng Malacañang ang ibinunyag na umano’y bilyon-bilyong transaksyon sa joint bank account ni Vice President Sara Duterte na inilabas ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa pagdinig ng House Committee on Justice.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, matagal nang umiikot ang naturang usapin kaya wala nang karagdagang reaksiyon mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sa palasyo.
Sa halip, sinabi ng Malacañang na si VP Sara mismo ang nararapat magpaliwanag at magsalita kaugnay sa mga lumabas na impormasyon tungkol sa umano’y malalaking transaksyon sa kanyang mga bank account.
Dagdag pa ni Castro, hindi na kailangang paalalahanan ang bise presidente na humarap sa pagdinig ng Kamara kaugnay ng impeachment proceedings laban sa kanya.
Bilang pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa at isang public servant, inaasahan aniya na maipaliliwanag nito sa publiko ang isyu, lalo’t mahalaga ang accountability at transparency sa serbisyo publiko.











