
Dumami ang mga driver at operator na nagpapahayag ng interes na lumipat sa paggamit ng electric vehicles (e-vehicles) matapos ilunsad ang P2 billion e-transport loan program ng pamahalaan.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque, maraming operator at driver ng taxi at jeepney ang lumapit sa ahensya mula nang ilunsad ang programa noong April 21.
Paliwanag ng DTI, pangunahing dahilan ng pagdagsa ng interes ay ang mataas na presyo ng petrolyo na nakaapekto sa kita ng mga driver at operator.
Sa ilalim ng programa, maaaring umutang ng hanggang P3 million ang isang kwalipikadong aplikante para makabili ng electric vehicle na gagamitin sa negosyo.
Tiniyak ng pamahalaan ang suporta sa sektor ng transportasyon sa gitna ng epekto ng tensyon sa Middle East na nakakaapekto sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Pinayuhan din ng DTI ang mga interesadong aplikante na kumpletuhin ang requirements at makipag-ugnayan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa tamang rehistrasyon ng e-vehicle na gagamitin sa operasyon.










