Mga residente ng Cagayan at Ilocos Norte, pinag-iingat ng NDRRMC dahil sa rocket launch ng China

Nagbabala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga residente ng Cagayan at Ilocos Norte na mag-ingat, kaugnay ng nakatakdang rocket launch ng China ngayong gabi.

Ayon sa NDRRMC, ilulunsad ang Long March 7A rocket mula Wenchang Spacecraft Launch Site sa Hainan, China sa pagitan ng 7:42 hanggang 9:16 ng gabi.

Inaasahang babagsak ang ilang bahagi ng rocket sa loob ng mga itinalagang drop zones:

– 62 nautical miles mula sa Dalupiri Island, Cagayan;
– 40 NM mula sa Burgos, Ilocos Norte;
– 80 NM mula sa Camiguin Norte, Cagayan;
– 68 NM mula sa Santa Ana, Cagayan.

Dahil dito, inatasan ng NDRRMC ang Philippine Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources , Department of the Interior and Local Government at Department of Environment and Natural Resources o DENR-NAMRIA na magpatupad ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga mangingisda at iba pang papalaot sa mga apektadong bahagi ng karagatan.

Nagpaalala rin ang Philippine Space Agency sa publiko na agad i-report sa mga awtoridad kung may makitang debris.

Huwag din itong lalapitan o hahawakan dahil sa mga posibleng toxic substance.

Facebook Comments