Wednesday, April 22, 2026

Iba’t ibang grupo, nagkasa ng kilos-protesta kontra Amerika sa Maynila

Muling nagkasa ng kilos-protesta ang iba’t ibang grupo sa Maynila bilang pagkondena sa mga hakbang ng Estados Unidos na umano’y may epekto sa bansa.

Isinagawa ang kilos-protesta sa bahagi ng Plaza Salamanca sa kanto ng Kalaw Avenue at Taft Avenue.

Mariing kinondena ng mga grupo ang umano’y marahas na aksyon ng Estados Unidos, katuwang ang Israel, laban sa Iran na sinasabing nagdulot ng krisis.

Hiling ng mga raliyista na paalisin ang presensya ng tropang Amerikano sa Pilipinas at itigil ang Balikatan Exercises, na anila’y nagagamit umano ang bansa sa mga kaguluhan.

Giit nila, hindi dapat madamay ang Pilipinas sa anumang sigalot o digmaang kinasasangkutan ng Estados Unidos dahil posibleng maapektuhan ang mamamayan.

Panawagan pa ng grupo sa pamahalaan na gumawa ng konkretong hakbang upang matugunan ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Matapos ang programa, nagmartsa ang mga raliyista patungong Embassy of the United States, Manila ngunit hindi sila pinayagang makalapit ng mga awtoridad.

Facebook Comments