
CAUAYAN CITY- Arestado ang isang barangay kagawad matapos masamsaman ng mga hindi lisensyadong baril at mga bala sa isinagawang search operation ng mga awtoridad sa Purok 7, Brgy. Cabisera 17-21, sa Lungsod ng Ilagan, noong ika-18 ng Hulyo .
Kinilala ang suspek sa alyas na “Rene,” isang barangay kagawad.
Batay sa ulat, naaresto ang suspek sa bisa ng Search Warrant na inilabas ng Regional Trial Court, Second Judicial Region, City of Ilagan, kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa isinagawang paghahalughog, nakumpiska mula sa suspek ang isang caliber .357 revolver, isang caliber .45 pistol, isang magazine ng caliber .45, labing-apat na bala ng caliber .357, labing-siyam na bala ng caliber .45, isang basyo ng caliber .357, at iba pang kaugnay na kagamitan.
Matapos ang operasyon, dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa tanggapan ng CIDG Isabela Provincial Field Unit para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.










