
Arestado ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dating Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) bomber na kinilalang si Muslimin Amilil sa Mamasapano, Maguindanao del Sur, July 21 kahapon.
Ang akusado ay ang senior adviser ng Panenekelan Criminal Gang na iniuugnay sa Dawlah Islamiyah–Hassan Group at kasalukuyang konektado sa MILF 128 Base Command.
Ang nasabing naarestong indibidwal ay nasa likod ng mga malalaking insidente kagaya ng pag-ambush sa mga PNP personnel noong March 28 ngayong taon at sa insidente ng SAF 44 Mamasapano noong 2015.
Isinilbi sa kaniya ang warrant sa maraming kasong kriminal kagaya ng murder, frustrated murder, robbery, attempted murder, at double murder na may multiple frustrated murder kung saan ilan sa mga ito ay walang rekomendang pyansa.
Siya ay dinala sa ospital para sa medical examination at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.










