
Humarap si National Bureau of Investigation (NBI) Regional Director Atty. Jeremy Lotoc sa Day 4 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Si Lotoc ang ikalawang testigo na iniharap ng House prosecution team ukol sa Article 4 o ang diumano’y pagbabanta ni VP Sara na ipapapatay sina Pangulong Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez.
Kinuwestyon ni Senator-judge Bam Aquino si Lotoc kung sa kanilang pag-iimbestiga ay natukoy o nahanap ba ang sinasabing taong nakausap ni VP Sara para patayin ang pangulo.
Pero sinabi ni Lotoc na sa kabila ng kanilang mga pagtatanong sa mga taong may personal knowledge kaugnay sa pagbabanta, inamin niya na wala silang ma-establish na validated na impormasyon na kumukumpirma na may kinausap ngang tao ang bise presidente para gawan ng masama ang presidente, ang first lady at ang dating Speaker.
Tinanong din ni Aquino ang depensa na tila hindi naman itinanggi ng kampo ni VP Sara ang mga pagbabanta sa pangulo pero iginiit ni Atty. Mark Vinluan, defense lawyer, na pinabulaanan na nila ang naturang threat at handa silang linawin ito sa pagsalang ng presentasyon ng defense team.
Samantala, natanong din ni Senator-judge Erwin Tulfo kung kumpyansa ba ang NBI na sila ay may airtight case laban sa respondent, sinagot ni Lotoc na naniniwala siyang may malakas silang kaso laban sa bise.
Naunang sinabi ni Lotoc sa pagsisimula ng pagdinig na inatasan sila ni dating NBI Chief Jaime Santiago na imbestigahan ang online press conference ng bise presidente noong November 23, 2024 kung saan si Atty. Harry Roque ang nag-livestream sa kanyang social media account.
Partikular na siniyasat nila ang kakayahan ni VP Duterte na gawin ang banta gayundin ay tinukoy nila ang mga taong nakasaksi o kasama sa mismong online media briefing.
Tinukoy ni Lotoc ang apat na factors para ikunsidera na seryoso at totoo ang banta ni VP Sara laban sa pangulo, sa first lady at sa dating Speaker.
Ipinalabas din ng prosecution panel sa Senate Impeachment Court ang anila’y walong beses na naitalang mga pagmumura ni Duterte nang magbanta ito na ipaliligpit si BBM noong Nobyembre 2024.
Sa kabila naman ng dalawang beses na pagpapa-subpoena ng NBI sa bise presidente ukol sa mga kontrobersyal na online presscon para hingan ng impormasyon at ng kanyang panig, tumanggi si VP Sara na humarap sa patawag na imbestigasyon ng ahensya.










