
Nananawagan si House Deputy Speaker at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Party-list Representative Raymond Democrito Mendoza kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na sertipikahang urgent ang panukalang batas para sa ₱200 umento sa arawang sahod ng mga manggagawa sa bansa.
Apela ni Mendoza kay Pangulong Marcos, huwag ng hintayin pa ang magiging desisyon ng regional wage boards bago matapos ang kasalukuyang taon.
Tinukoy ni Mendoza ang pagbaba ng pagtaya ng International Monetary Fund at Asian Development Bank sa magiging paglago ng ating ekonomiya ngayong taon.
Ayon kay Mendoza, malaki ang maitutulong sa bumabagal na takbo ng ating ekonomiya kung palalakasin ang kakayahang gumastos ng bawat pamilyang Pilipino.
Diin pa ni Mendoza, sa dalawang taong natitira sa administrasyon ni PBBM ay hindi sapat na ipagdiwang ang klasipikasyon ng Pilipinas bilang upper-middle-income country kung hindi ito mararamdaman at pakikinabangan ng mga manggagawang Pilipino.










