Ilang kongresista, sinita ang hindi pantay na alokasyon ng COVID-19 vaccines sa mga lungsod sa Metro Manila

37

Pinuna ng ilang mga kongresista ang hindi pantay na alokasyon ng COVID-19 vaccines sa mga lungsod sa Metro Manila.

Kasabay ito ng pagsita nila Marikina Rep. Stella Quimbo at Pasig Rep. Roman Romulo sa Department of Health (DOH) dahil sa kakaunting alokasyon ng bakuna sa kanilang mga lugar kung ikukumpara sa ibang mga lungsod.

Dahil dito, inaatasan ng Committee on Metro Manila Development ang DOH-National Capital Region na ayusin ang kanilang database para sa mas episyenteng implementasyon ng COVID-19 response.


Paliwanag ni Quimbo, mawawalang saysay ang vaccination program ng pamahalaan kung hindi rin naman mapo-proteksyunan ang kabuuan ng kanilang mga residente.

Tiniyak naman dito ni DOH-NCR Regional Director Gloria Balboa na aayusin na nila ang alokasyon ng bakuna batay sa populasyon at priority master list ng bawat lungsod.

Kasabay nito muli ring inapela ng mga mambabatas ang agarang paglalabas ng tamang sweldo at benepisyo sa mga frontline health care worker, pagpapaigiting sa contact tracing, tamang information dissemination sa publiko at transparency sa paggugol ng pondo sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2.



Facebook Comments