Tuesday, August 4, 2026

ILANG NEGOSYANTE SA CALASIAO, APEKTADO NG PAGBAHA DAHIL SA TULOY-TULOY NA PAG-ULAN

Apektado ng pagbaha ang ilang negosyante sa Calasiao dahil sa patuloy na pag-ulan na dulot ng Bagyong Luis at Habagat.
Kabilang dito ang kainan ni Nanay Janet sa Barangay San Miguel, malapit sa boundary ng Dagupan at Calasiao, na halos 20 taon nang nagtitinda sa lugar.
Ayon kay Nanay Janet, matagal nang problema ang pag-ipon ng tubig-ulan sa kalsada sa kanilang lugar. Tuwing malakas umano ang ulan, mabilis tumaas ang tubig na minsan ay umaabot hanggang tuhod at pumapasok sa kanilang tindahan.
Dahil dito, nababawasan umano ang kanilang mga customer at naaapektuhan ang kanilang kita dahil sa baha.
Bukod sa ilang bahagi ng kalsada, may mga lugar din sa bayan ng Calasiao na nakaranas ng pagbaha.
Batay sa monitoring update ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Calasiao noong Agosto 3, alas-1 ng hapon, nasa 1.7 feet above normal level ang antas ng tubig sa Marusay/Sinucalan River.
Ayon sa MDRRMO, ang pagtaas ng tubig ay dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan na nararanasan sa lugar dahil sa Bagyong Luis at Habagat. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments