141K BAGONG BOTANTE SA PANGASINAN, LAMPAS SA TARGET NG COMELEC

Opisyal nang nagtapos ang voter registration sa Pangasinan at kasalukuyan nang inaayos ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga aplikasyon ng mga nagparehistro para sa nalalapit na Election Registration Board (ERB) Hearing ngayong Hunyo.

Sa naturang hearing malalaman kung aprobado o disaprubado ang aplikasyon ng bawat registrant.

Ayon kay Provincial Election Supervisor IV, Atty. Marino V. Salas, target lamang ng COMELEC na makapagparehistro ng 75,000 bagong botante simula Oktubre noong nakaraang taon hanggang Mayo ngayong taon, ngunit umabot sa mahigit 141,000 ang kabuuang bilang ng mga rehistradong botante.

Sa huling araw ng registration noong Mayo 18, tinatayang nasa higit 21,000 indibidwal ang nakapagparehistro sa loob lamang ng isang araw.

Dagdag pa niya, wala umanong binago sa mga requirement para sa mga nais tumakbo o magfile ng kandidatura sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Para sa Sangguniang Kabataan, kinakailangang nasa edad 18 hanggang 24 taong gulang ang isang kandidato upang makatakbo, habang maaaring bumoto ang mga edad 15 hanggang 30 taong gulang. Samantala, sa barangay elections, 18 taong gulang pataas ang maaaring tumakbo bilang kandidato.

Nagpaalala naman ang opisyal sa publiko, lalo na sa mga hindi pa nakapagparehistro, na huwag nang hintayin pa ang huling araw ng registration sa susunod upang maiwasan ang dagsa ng aplikante. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments