
Emosyonal at naiyak si Senator Pia Cayetano sa sinabi ni Senator Risa Hontiveros sa kanyang privilege speech na tila walang nangyari matapos ang shooting incident sa Senado noong May 13.
Sa privilege speech ni Hontiveros, sinabi niyang parang walang nangyari at parang hindi nabastos ang institusyon, mga empleyado at mga Pilipino matapos ang insidente ng pamamaril.
Agad namang tumayo si Sen. Pia para kontrahin ang naging pahayag ni Hontiveros at iginiit niyang maraming nangyari at takot na takot siya sa nangyaring barilan na kinailangan pa niyang tumawag sa mga anak para magpaalam.
Sinabi ni Cayetano na napakasakit na marinig na tila walang nangyari lalo’t dalawang pinto lang ang pumoprotekta sa kanya mula sa barilan.
Hinanakit pa ng senadora, wala man lamang aniya ni isa sa mga dating kasamahan sa mayorya ang nangamusta sa kanilang mga naiwan noong gabi ng putukan sa Senado.
Nagsilapitan sina Senator Loren Legarda, Senator Camille Villar at Senate Majority Leader Joel Villanueva na inabutan ng tubig at pinakalma ang senadora.
Agad namang nilinaw ni Hontiveros na nakikisimpatya siya sa nangyari sa mga senador na naiwan noong may barilan.
Nagpaliwanag siya na ang konteksto ng kanyang sinabi na “parang walang nangyari” ay tumutukoy sa kasalukuyan sitwasyon matapos ang insidente na nagdulot ng takot at mga negatibong emosyon sa mga kasamahan, sa mga staff, sa security at sa senate media na pareho rin sa ipinunto ni Senator Erwin Tulfo sa kanyang naunang privilege speech.










