Wednesday, October 21, 2026

MMDA, inilatag ang mga paghahanda at mga aktibidad na kanilang ikakasa bago at sa mismong araw ng undas 2026

Ipapakalat ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang halos 2,500 na personnel sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila para sa mahigpit na pagbabantay sa mga terminal ng bus, pangunahing kalsada, at sementeryo, sa darating na UNDAS 2026.

Nakatakdang magkasa ng inspeksyon sa darating na Lunes ng umaga, October 26 ang MMDA sa mga terminal ng bus sa EDSA-Cubao, Quezon City, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, Philippine National Police o PNP, at lokal na pamahalaan simula alas-8 ng umaga, para masiguro ang kahandaan ng mga sasakyang bibiyahe ngayong Undas.

Kabilang din sa isasailalim sa inspeksyon ay ang Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX, na pinakamalaking terminal sa Metro Manila.

Dagdag pa rito, magkakasa rin sila ng surprise drug testing sa mga tauhan ng terminal, para masiguro ang kahandaan at kaligtasan ng mga tauhang nakatalaga sa operasyon.

Samantala, kabilang naman sa mga pangunahing sementeryo na babantayan ng MMDA personnel sa Metro Manila sa mismong araw ng UNDAS o sa November 1 at 2, ay ang Manila North at South Cemetery, Bagbag Public Cemetery sa Quezon City, Loyola Memorial Park sa Marikina, at San Juan Public Cemetery.

Pinapasiguro naman ng MMDA sa mga LGU, na mayroong help desk sa mga terminal ng bus at sementeryo simula ngayong weekend at sa mga susunod na araw, para masigurong may malapitan ang publiko na nangangailangan ng impormasyon o tulong.

Sa kabilang banda, pinaalalahanan naman ng MMDA ang mga LGU na magpapatupad ng road closure at rerouting, na maagang isapubliko ang kanilang mga abiso sa opisyal na social media pages, para hindi mabigla ang mga motorista.

Facebook Comments