
Isinusulong ni House Assistant Majority Leader at Nueva Vizcaya Rep. Tim Cayton ang pagtatag ng makatarungang singil ng pamasahe at patas na kondisyon sa pamamasada para sa lahat ng tricycle drivers at operatos sa bansa.
Nakapaloob ito sa inihain ni Cayton na 𝗛𝗼𝘂𝘀𝗲 𝗕𝗶𝗹𝗹 𝗡𝗼. 𝟭𝟭𝟰𝟴𝟬 o ang “𝗠𝗮𝗴𝗻𝗮 𝗖𝗮𝗿𝘁𝗮 𝗼𝗳 𝗧𝗿𝗶𝗰𝘆𝗰𝗹𝗲 𝗗𝗿𝗶𝘃𝗲𝗿𝘀 𝗮𝗻𝗱 𝗢𝗽𝗲𝗿𝗮𝘁𝗼𝗿𝘀” na nagtatakda ng hindi lalampas sa PhP 1,000 na kabuuang bayad para sa Motorized Tricycle Operator’s Permit (MTOP) na may bisang limang taon, at ipagbabawal din ang paniningil ng iba pang bayarin.
Sa ilalim ng panukala ay magtatayo rin ng 𝗧𝗿𝗶𝗰𝘆𝗰𝗹𝗲 𝗦𝗲𝗰𝘁𝗼𝗿 𝗢𝗻𝗲-𝗦𝘁𝗼𝗽 𝗦𝗵𝗼𝗽 sa bawat lokal na pamahalaan, at ilalabas ang permit sa loob ng dalawang araw ng trabaho mula sa pag-submit ng kumpletong requirements.
Bata sa panukala ay tiket na lamang ang ibibigay sa halip na impound kung makagagawa ng traffic violation at kakulangan sa dokumento.
Iniuutos din ng panukala ang paglalatag ng 𝗖𝗼𝗻𝘁𝗿𝗶𝗯𝘂𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗦𝘂𝗽𝗽𝗼𝗿𝘁 𝗣𝗿𝗼𝗴𝗿𝗮𝗺, kung saan sasagutin ng pamahalaan ang kalahati ng minimum na kontribusyon sa SSS at PhilHealth ng mga tricycle drivers.
Diin ni Cayton, mahalaga ang serbisyo ng mga tricycle drivers mula paghatid sa ating mga anak sa paaralan hanggang sa pagsundo sa ating mga magulang at kababayan pero sila rin ang biktima ng pabago-bagong bayarin kada munisipyo, usad-pagong na permit, at marahas na pang-iimpound sa simpleng paglabag.










