
Sapul sa operasyon kontra ilegal na pagmimina ng Department of Environment and Natural Resources o DENR at Philippine National Police o PNP ang labinwalong (18) indibidwal, kabilang ang walong (8) Chinese Nationals, sa Barangay Mabini, Surigao del Norte noong October 14.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang mga heavy equipment at mining paraphernalia na nagkakahalaga ng P153.34-million, partikular ang dalawang (2) improvised na baril, mga dokumento ng Chinese Nationals, walong (8) dump truck, generator set, at sluice mat, labing-anim (16) na truck excavator, walumpong kilo (80 kls) ng bato na mayaman sa mineral, dalawang timba ng greese oil, dalawa ring drum ng krudo, at iba pa.
Tinitingnan din ng awtoridad ang posibling pagpopondo ng mga dayuhan, kabilang ang mga Chinese nationals, sa ilegal na pagmimina.
Ayon kay DENR Secretary Juan Miguel Cuna, hindi palalampasin ng ahensya ang pagmimina na hindi sumusunod sa “environmental safeguards”, na nagreresulta ng banta sa natural resources ng bansa.
Samantala, sumasailalim naman ang mga naarestong indibidwal sa inquest proceedings sa Surigao Prosecutor’s Office, para sa posibleng paglabag sa Section 12 o Illegal Exploration at Section 103 o Theft of Minerals ng Republic Act No. 7942, o Philippine Mining Act of 1995.










