Wednesday, July 22, 2026

Impeachment court, inanunsyo na walang impeachment trial sa July 27 at 28; bagong schedule ng paglilitis, inilabas na rin

Inanunsyo ni Senate Impeachment Court presiding officer Chiz Escudero na walang impeachment trial sa Lunes, July 27 at sa Martes, July 28.

Ayon kay Escudero, ito ay para bigyang-daan ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos sa darating na Lunes habang sa Martes naman ay bibigyang daan ang kontra-SONA ng minorya na bahagi na ng tradisyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Sinabi ni Escudero na ang susunod na paglilitis para sa susunod na linggo ay gaganapin sa Miyerkules, July 29 pero mula sa araw na ito ay sisimulan na ang impeachment trial alas dyes ng umaga hanggang alas kwatro na ng hapon.

Lunes hanggang Miyerkules pa rin ang araw ng impeachment trial.

Magkakaroon lamang ng isang oras na break o pahinga at pagsapit naman ng alas kwatro ng hapon ay ilalaan ito para sa sesyon at sa committee hearings.

Ito na ang susundin na schedule ng Senado para mahati ang kanilang oras at tungkulin bilang senator-judge at mga mambabatas.

Samantala, bukas ng alas dos ng hapon ay muling haharap sa impeachment trial si NBI Director Melvin Matibag para sa pagpapatuloy ng cross-examination ng defense team at sa patuloy na interjections ng mga senator judges.

Facebook Comments