
Lumagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ang Department of Justice (DOJ) at Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) para bumuo ng Technical Working Group (TWG) sa usapin ng awayan ng angkan o rido, partikular sa mga komunidad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Isa sa mga layunin ng binuong Technical Working Group ay gumawa ng pag-aaral at maglabas ng rekomendasyon para mapigilan na ang rido.
Napag-alaman na base sa datos ng pamahalaan, nasa 161 rido ang kanilang naitala mula 2023 hanggang nitong April 2026 at karamihan sa mga away na ito ay nauuwi sa patayan.
Giit ni Justice Sec. Fredderick Vida, bagama’t may naaresto, nahahatulan, at nakukulong, hindi pa rin natitigil ang awayan ng angkan kung saan madalas ay lumalala pa ang sitwasyon.
Hangad ng DOJ at OPAPRU na manaig ang kapayapaan at tuluyan ng matigil ang rido na kadalasan ay mga inosenteng sibilyan ang naaapektuhan.
Kabilang sa mga miyembro ng TWG ay mga representatives mula sa DOJ, OPAPRU, BARMM Ministry of Public Order and Safety, Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), mga nakakasakop na lokal na pamahalaan, at mga stakeholders.










