
Binigyang-pugay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si outgoing Armed Forces of the Philippines o AFP Chief of Staff General Romeo S. Brawner Jr. sa ginanap na AFP Change of Command and Retirement Ceremony sa Camp Aguinaldo.
Bilang pagkilala sa kanyang tatlong taong pamumuno at natatanging paglilingkod, ginawaran si General Brawner ng Philippine Legion of Honor, isa sa pinakamataas na parangal na iginagawad sa mga may natatanging serbisyo sa bansa.
Pinuri rin ng Pangulo ang kanyang naging ambag sa pagpapalakas ng kakayahan ng AFP, pagpapatatag ng seguridad, at pagpapanatili ng presensya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Kasabay nito, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang turnover of command at paggawad ng ranggo sa bagong AFP Chief of Staff na si Lieutenant General Antonio G. Nafarrete.
Inatasan niya si Nafarrete na ipagtanggol ang bawat pulgada ng teritoryo at karagatan ng Pilipinas at tiyaking ligtas ang sambayanang Pilipino.
Muling tiniyak ng Pangulo ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa modernisasyon, kahandaan, at kapakanan ng Sandatahang Lakas upang mapanatili ang kapayapaan at mapangalagaan ang soberanya ng bansa.










