
Bubuksan sa publiko ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na magsisimula sa Lunes, July 6.
Sa inilabas na advisory ni Senate Secretary Renato Bantug Jr., pinapayagan ang general public na personal na saksihan sa loob ng Senado ang paglilitis sa bise presidente.
Araw-araw ay may irereserbang 61 na upuan para sa mga kababayang gustong panoorin sa plenaryo ang impeachment trial.
Pero ito ay first-come, first-served basis, at kailangan munang mag-register sa portal ng Visitor Management System (VMS).
Isang araw bago ang naka-schedule na trial ay bubuksan ang registration simula alas dos ng hapon.
Ang mga aprubadong registration ay iisyuhan ng QR Code na magsisilbing entry pass para makapasok sa Senate Session Hall.
Pinaalalahanan naman ang mga guest na panatilihin ang proper decorum sa lahat ng pagkakataon at sumunod sa lahat ng rules at regulasyon habang nasa loob ng Mataas na Kapulungan.










