
Naglabas na ng direktiba ang Senate Impeachment Court para paharapin sa impeachment trial si Vice President Sara Duterte na gaganapin sa Lunes, July 6, alas dos ng hapon.
Ang inilabas na utos ng Senate Impeachment Court ay may petsang July 2, 2026 at nilagdaan ni Senate President Sherwin Gatchalian.
Personal na pinadadalo ng impeachment court si VP Sara o kaya naman ay sa pamamagitan ng legal counsel nito para sa gagawing paglilitis sa apat na articles of impeachment na inihain laban sa kanya ng Kamara.
Sa direktiba ay nakasaad sa Rule 7 ng Rules of Procedure on Impeachment Trial at sa Writ of Summons na inisyu noong May 9, 2026.
Inaasahan na tatalima si VP Sara sa kautusan, direksyon at judgments ng Senate Impeachment Court.
Samantala, kasalukuyang nagsasagawa naman ng caucus ang mga senador ngayong tanghali bilang bahagi pa rin ng paghahanda sa gaganaping impeachment trial sa Lunes.
Nauna namang tiniyak ni Gatchalian ang kahandaan ng Senado para sa gagawing paglilitis kasama na rin dito ang patuloy na pagpapatupad ng mahigpit na seguridad para sa kaligtasan ng mga dadalo sa impeachment trial.










