
Pinagpapaliwanag ni Senator Imee Marcos ang Commission on Appointments (CA) tungkol sa ginawang pagkumpirma sa limang heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nagpadala ang senadora ng liham kay CA Secretary Atty. Myra Marie Villarica na may petsang June 17 na araw na nakumpirma ng komisyon ang limang heneral.
Sa nasabing petsa, matatandaan na nakapagdaos ang CA ng sesyon at nakumpirma ang promotion ng limang heneral dahil nagdaos ang kongreso ng special session.
Binanggit sa sulat ni Marcos nang mag-adjourned sine die ang Kongreso noong June 3 ay nawalan na ng saysay ang appointment nina Lt. Gen. Edmundo Peralta, Vice Admiral Alan Javier, MGen. Isagani Criste, BGen. Niceforo Diaz Jr., at BGen. Rosemawatee Remo.
Iginiit ng senadora na dapat i-reappoint ng Presidente ang mga heneral bago sana muling sumalang sa komisyon noong June17.
Bukod dito, batay aniya sa kaarawa ng lima, hindi na sila kwalipikado sa promotion dahil wala na silang isang taon sa serbisyo na requirement para maging eligible sa appointment o promotion.
Batid ng senadora na nakwestyon na ito sa CA ni Senator Rodante Marcoleta ngunit kailangan aniyang maliwanagan dahil importante at may epekto ito sa mga promotions sa hinaharap sa AFP.










