
Bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga panukalang higpitan ang access ng mga kabataan sa social media kasunod ng mga pangamba sa epekto nito sa asal at kaligtasan ng mga menor-de-edad.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, pinag-uusapan na sa loob ng pamahalaan ang mga posibleng hakbang upang mabantayan ang paggamit ng social media ng mga kabataan.
Lumakas ang panawagang ito matapos lumabas ang ulat na ang mga menor-de-edad na sangkot sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City ay umano’y nahilig sa mararahas na online games.
Kabilang sa mga pinag-aaralan ang paghihigpit o pagbabawal sa mga aplikasyon at online content na maaaring humikayat o magtulak ng karahasan.
Umaasa rin ang Malacañang na makababalangkas ang Kongreso ng mga hakbang at batas na magbibigay ng mas matibay na proteksyon sa mga kabataan laban sa mga panganib sa online platforms.
Matatandaang ilang bansa na rin ang nagpatupad ng mahigpit na regulasyon sa social media access ng mga menor-de-edad dahil sa mga isyu sa mental health, online safety, at exposure sa mapaminsalang content.










