
Lumantad si Senator Ramon “Bong” Revilla na isa siya sa mga haharang sa Senate Bill 1979 o ang kontrobersyal na Prevention of Adolescent Pregnancy Bill sa Senado.
Tiniyak ni Revilla, na siya mismo ay boboto laban sa panukala at haharangin niya ang pagpapasa rito kung tuluyang itutulak ang mga nakapaloob na pinangangambahang probisyon ng mga magulang.
Bilang magulang na may mga anak at apo, sinabi ni Revilla na gagawin niya ang lahat ng paraan upang protektahan ang mga kabataan laban sa mga kahalayan.
Iginiit ng mambabatas na mahalagang mapangalagaan ang kasagraduhan ng procreation.
Ipinunto ng senador na malayo ang SB 1979 sa Senate Bill 1209 na kanyang inihain na layong protektahan ang mga kabataan laban sa mga gawaing nagiging bunga ay maagang pagbubuntis at pagbibigay suporta ng pamahalaan sa adolescent parents.
Naniniwala si Revilla na sa pamamagitan ng panukala niya ay matutugunan ang lumalalang problema sa mga batang nanghahalay ng kapwa bata, mga batang nagiging magulang, at kaso ng kapabayaan sa mga anak ng mga nagiging batang ina.