JDV CORNER, PORMAL NANG BINUKSAN SA DALAWANG PAARALAN SA DAGUPAN AT MANAOAG

Pormal nang inilunsad ang JDV Corner sa Dagupan City National High School at Manaoag National High School matapos lagdaan ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng JDV Corner Foundation at mga opisyal ng dalawang paaralan noong Hunyo 5, 2026.

Pinangunahan ni Pangasinan Fourth District Representative Gina de Venecia ang pagbubukas ng proyekto kasama sina Mayor Belen Fernandez, Schools Division Superintendent Marciano Soriano, DCNHS School Principal Willy Guieb sa Dagupan City. Sa Manaoag National High School naman ay kasama ni Congresswoman de Venecia sina Mayor Jeremy Agerico Rosario, Pangasinan 2 Schools Division Superintendent Vivian Luz Pagatpatan, at school principal Daisy Mayola.

Ayon kay Manay Gina De Venecia, layunin ng JDV Corner na maipakilala sa mga kabataan ang buhay at mga nagawa ng kanyang kabiyak, ang yumaong five-time House Speaker Jose de Venecia Jr., na nagmula sa Dagupan at nakilala sa pagsulong ng mga programang nagbigay ng trabaho sa maraming Pilipino, kabilang ang OFW program at mga proyektong pangkaunlaran sa ilalim ng public-private partnership.

Aniya, mahalagang malaman ng mga estudyante ang kasaysayan at ambag ng mga lider na nagmula sa kanilang lalawigan upang magsilbing inspirasyon sa susunod na henerasyon.

Ilan sa mga mahahalagang proyektong lehislatibo ni JDV ay kinabibilangan ng programang para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW), na kanyang itinaguyod; ang pagpapaunlad ng mga pandaigdigang lungsod tulad ng Clark at Bonifacio Global City; at ang pag-akda ng Build-Operate-Transfer (BOT) Law, na ngayon ay mas kilala sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) initiatives, isang patakarang pang-ekonomiya na naging isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng modernong pag-unlad ng Pilipinas.

Ang JDV Corner ay isa sa mga pangunahing bahagi ng JDV Legacy Project na layuning isama sa kurikulum ang buhay at mga nagawa ng yumaong mambabatas, at lumikha ng isang JDV website na magsisilbing digital na imbakan ng kanyang buhay, pamana, at serbisyo publiko.

Ang JDV Corner ay magsisilbing espesyal na bahagi ng mga paaralan kung saan maaaring magbasa at magsaliksik ang mga mag-aaral tungkol sa buhay, pamana, at mga kontribusyon ni Jose de Venecia Jr. sa bansa at sa lalawigan ng Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments