
Pinapatiyak ni House Deputy Majority Leader at 1-RIDER Party-list Representative Rodge Gutierrez ang proteksyon para sa motorcycle taxi riders ng isang ride-hailing company na pinagmumulta ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mahigit a ₱555.75 million.
Katwiran ni Gutierrez, bagama’t ang multa ay nakatuon sa platform ay maaaring magdusa ang mga riders nito at kanilang mga pamilya.
Giit ni Gutierrez sa LTFRB, siguraduhin na hindi magiging kawawa ang mga riders sa kanilang desisyon na parusahan ang ride-hailing platform na Move It.
Hinggil dito ay makikipag-ugnayan din ang 1-Rider Party-list sa Move It at sa LTFRB para sikaping hindi malalagay sa panganib ang kabuhayan ng mga apektadong motorcycle riders kapag ipinatupad na ang multa.
Bunsod nito ay isinulong din ni Gutierez ang pangangailangan na agad maisabatas ang Motorcycle Taxi Bill na layuning mabigay ng malinaw at permanenteng legal na batayan at maglatag ng demand-based rules sa nararapat na bilang ng mga riders.
Nakapaloob din sa panukala ang social protections at benepisyo para sa mga riders lalo na sa ganitong mga sitwasyon.










