Nagbigay ng bagong pag-asa at oportunidad sa mga naghahanap ng trabaho ang isinagawang Job Fair 2026 ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na makalikha ng mas maraming oportunidad sa paggawa para sa mga mamamayan.
Idinaos ang job fair sa CSI Lucao Big Atrium, kung saan nagtipon ang mga aplikante, mga kumpanya, at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang magbigay ng pagkakataon sa mga naghahanap ng mapapasukang trabaho.
Binigyang-diin ni Mayor Belen Fernandez na ang pagkakaroon ng disenteng trabaho ang isa sa pinakamahalagang anyo ng suporta sa mamamayan sapagkat nagbibigay ito ng kumpiyansa, kakayahang matustusan ang pamilya, at pagkakataon para sa mga kabataan na makamit ang kanilang mga pangarap nang may dignidad at layunin.
Ayon sa alkalde, patuloy na palalakasin ng pamahalaang lungsod ang pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor upang makalikha ng mga oportunidad sa trabaho, dahil ang empleo ay isa sa matibay na pundasyon ng isang progresibong lungsod.
Layunin ng Job Fair 2026 na tulungan ang mga Dagupeno na makahanap ng angkop na trabaho at palakasin ang ugnayan ng pamahalaan at pribadong sektor upang mapalawak ang oportunidad sa hanapbuhay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











