SABAYANG PAGTATANIM NG PUNO, ISINAGAWA SA ALAMINOS CITY BILANG BAHAGI NG PANGANGALAGA SA KALIKASAN

Nakiisa ang mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Alaminos City, mga opisyal ng barangay, magsasaka, mangingisda, at iba’t ibang sektor ng komunidad sa isinagawang citywide at sabayang tree-growing activity bilang bahagi ng patuloy na kampanya para sa pangangalaga ng kapaligiran at likas na yaman.

Isinagawa ang simpleng programa sa iminungkahing Barangay Quibuar Ecopark, kung saan nagtanim ang mga residente at kalahok ng iba’t ibang uri ng mga punong namumunga na ipinagkaloob ng National Tobacco Administration at mula sa mga plant nursery ng City Agriculture Office.

Ayon sa pamahalaang lungsod, ang aktibidad ay bahagi ng pinalawig na pagdiriwang ng Arbor Day, na naglalayong ipaalala ang mahalagang papel ng mga puno sa kapaligiran, palawakin ang kamalayan ng publiko tungkol sa pangangalaga ng kalikasan, at hikayatin ang patuloy na pagpapanumbalik at pagpapalawak ng mga watershed area gayundin ang muling pagpapalago ng mga luntiang espasyo sa mga komunidad.

Sa pamamagitan ng naturang programa, muling pinagtibay ng pamahalaang lungsod at mga mamamayan ang kanilang pagkakaisa sa pagtataguyod ng mas luntian, ligtas, at sustenableng kapaligiran para sa mga susunod na henerasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments