Nagsagawa ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Pangasinan Provincial Office ng isang Drug Abuse Prevention Education (DAPE) Lecture bilang bahagi ng 2nd Youth Leadership Summit noong Hulyo 23, 2026.
Pinangunahan ni IA V Dexter B. Asayco, Provincial Officer ng PDEA Pangasinan, ang talakayan na naglalayong palawakin ang kaalaman ng mga kabataan hinggil sa panganib ng paggamit ng ilegal na droga at ang kahalagahan ng pamumuhay na malaya sa ipinagbabawal na gamot.
Tinalakay sa lecture ang mahahalagang probisyon ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kabilang ang pagkilala at pag-uuri ng mga ipinagbabawal na gamot, gayundin ang masasamang epekto ng mga ito sa kalusugan, pamilya, at lipunan.
Dinaluhan ang programa ng mga opisyal ng Sangguniang Kabataan Federation, mga youth leaders, at piling mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa bayan ng Lingayen.
Ang tatlong araw na Youth Leadership Summit ay inorganisa ng Local Youth Development Office ng Lingayen sa pakikipagtulungan ng 71st Infantry Battalion, Philippine Army.
Layunin nitong palakasin, hubugin, at bigyang-inspirasyon ang mga kabataang lider at boluntaryo upang maging tagapagtaguyod ng kapayapaan, responsableng pamumuno, at isang komunidad na malaya sa ilegal na droga. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











