Nito lamang, naitala sa isang paaralan sa Manaoag ang umano’y online threat kung saan humantong sa suspensyon ng klase bilang aksyon sa seguridad ng mga guro at mga estudyante.
Agad din itong tinugunan ng hanay ng pulisya at pamahalaan lokal at nakumpirmang walang kahit ano mang nakapipinsalang armas o kagamitan sa loob ng paaralan.
Nakapagtala rin ng insidente ng umano’y pagpapakalat ng pagbabanta o pananakot sa isang paaralan sa Sto. Tomas kung saan nagpatupad rin suspensyon ng klase para kaligtasan ng mga mag-aaral at guro.
Kaparehong insidente rin ng pagbabanta ang naitala sa Rosales kung saan mismong menor de edad ang pasimuno sa paggawa ng video na naglalaman umano ng pagbabanta gamit ang isang pellet gun at isang baseball bat.
Agad din na natunton at nahuli ang sangkot na menor at isasailalim sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa tamang proseso at interbensyon.
Ayon sa kinauukulan, hindi dapat pinalalampas ang mga ganitong klase ng pagbabanta—pabiro man o hindi.
Mahigpit din nagpaalala ang awtoridad sa mga magulang na pakatutukan ang mga anak at bigyang gabay sa responsableng paggamit ng social media at iba pang digital platforms upang maiwasan ang pagsasagawa ng mga prank o biro sa pagpost online o di kaya’y pagbabanta na posibleng magdulot ng pagka-alarma sa publiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










