
Hindi isinasantabi ni Senate President Pro-Tempore Ping Lacson ang posibilidad na hindi mag-convene ang Senado bilang impeachment court para litisin si Vice President Sara Duterte.
Ito ay kung sakaling may mambabatas na kumontra sa pag-co-convene ng impeachment court at matalo sa botohan.
Ayon kay Lacson, bagama’t hindi pa naman ito nangyayari, isa ito sa dapat nilang paghandaan oras na makalusot sa Kamara at maisumite ang mga articles of impeachment laban kay VP Duterte.
Pagbibigay-diin ng senador, batay sa Konstitusyon at para sa kanya dapat na otomatiko silang mag-convene bilang impeachment court dahil “forthwith” o kaagad ang utos sa kanila ng Konstitusyon.
Sakaling may kumontra, magbobotohan ang mga senador at kung manalo ang mga tutol na mag-convene ang impeachment court, kailangang sundin ang pasya dahil collegial body ang Senado.
Samantala, kung mayorya ay bumoto na hindi mag-convene ang impeachment court, maaari namang i-petisyon ito sa Korte Suprema at magdedesisyon ang korte kung kailangan mag-convene o hindi.










