KABUHAYAN NG MGA TRICYCLE DRIVER AT DELIVERY WORKER SA DAGUPAN, APEKTADO RIN NG HABAGAT

‎Hirap at matumal ang pamamasada ng mga tricycle drayber ngayon sa Dagupan City dahil sa dulot ng habagat at malalakas ng ulan.

‎Ayon sa panayam ng IFM News Dagupan kay “Roberto,” isang tricycle driver sa Dagupan City, matumal umano ang kaniyang pasada dahil sa epekto ng pagbaha bunsod ng habagat.

‎Aniya, pinipili lamang niyang pasukin ang mga lugar na hindi gaanong baha upang maiwasang masira o maaberya ang kaniyang sasakyan.

‎Kahit may mga pasaherong patungo sa mga lugar na binabaha, hindi na umano niya ito pinapasok kung maaari itong makapinsala sa kaniyang tricycle.


‎Dagdag pa ni Roberto, kakaunti rin umano ang kaniyang mga pasahero dahil sa suspensyon ng trabaho at klase sa mga paaralan na ipinatupad bunsod ng masamang panahon.


‎Ganoon din ang sitwasyon para kay “Jun,” isang delivery agent ng mga produkto sa mga tindahan.

‎Ayon kay Jun, naaapektuhan din ang kaniyang trabaho dahil mas tumatagal ang biyahe at delivery, lalo na kapag binabaha ang lugar na kaniyang pupuntahan.


‎Sa kabila nito, sinabi ng dalawang manggagawa na kailangan pa rin nilang pumasada at maghatid ng mga produkto sa kabila ng epekto ng habagat, dahil ito ang kanilang pangunahing pinagkukunan ng pang-araw-araw na pangangailangan.

‎Panawagan naman nilang matugunan na sana ang problema sa pagbaha at matulungan ang mga manggagawang direktang naaapektuhan nito. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments