ILANG RESIDENTE SA DAGUPAN CITY AT CALASIAO, NAPILITANG LUMIKAS DAHIL SA MATAAS NA BAHA

‎Mukhang hihintayin pa ni Ate Glenda na humupa ang tubig sa loob ng kanilang bahay matapos tumaas ang lebel ng tubig baha sa malawak na bahagi ng Barangay Bacayao Norte, Dagupan City kung saan siya nakatira.

‎Aniya, nasa tuhod ang baha sa kanilang parte kaya hindi na sila nag-atubiling lumikas sa paaralan na nakatalagang evacuation center.


‎Kaso lang, kahit ang mismong evacuation center—may tubig baha rin.

‎Ayon kay Barangay Captain Diosdado Maramba, sa oras na tumaas pa ang tubig malapit sa mga tinutuluyang classroom ng mga lumikas ay ililipat na lang nila ang mga ito sa bagong tayong gusali rin sa loob ng paaralan.


‎May mga nakatalaga naman welfare desk mula sa Red Cross upang bigyan ng assistance ang mga lumikas habang patuloy ang pagroronda ng barangay sa lahat ng sakop na sitio.

‎Samantala, naabutan namin ang mga pamilyang ito sa Calasiao Sports Complex matapis ring piliin na lumikas na dahil sa taas ng tubig-baha sa kanya-kanya rin nilang barangay.

‎Tulad ni Ate Anita na lumikas na rin dahil hanggang dibdib na umano ang tubig sa bahagi ng Poblacion East kung saan sila nakatira.


‎Bukod sa Poblacion East, kabilang din ang mga barangay ng Gabon, Lasip, Mancup, Nalsian, Lumbang, Talibaew, Longos at Cabilocaan na may naitalang residenteng lumikas sa nasabing complex.

‎Samantala, patuloy ang pagbibigay tulong Municipal Social Welfare and Development katuwang ang ibang ahensya sa pagtitiyak sa kaligtasan at pangangailangan ng lahat ng mga residenteng lumikas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments